Thursday, October 20, 2005

lakbay-aral

Thursday, October 20, 2005
Dahil tamad akong gumawa ng post this sembreak, huhugot muna ako mula sa mga rxn papers ko this sem. Wala lang, para mai-share ko lang.

I guess this had been the third time that I joined the field trip to Manila (wow! Manila! As if I don't live near there...)

Sayang talaga. Sana nag-Mt.Banahaw trip na lang kami. Makaka-meet pa ng mga Rizalistas. Now, that's what I call a REAL field trip. Anyways,I believe that every trip is a new learning experience. It's up to you to make it worthwhile every time.

RXn paper in P.I. 10o...

BIGYAN NG PAKPAK SI JUAN

Minsan, habang nilulunod ko ang aking sarili sa harap ng telebisyon ay nakadaupang-palad ko ang isang lumang episode ng “Pahina” – isang pambatang palabas ukol sa literaturang Pilipino. Tampok ng umagang iyon ang tula ni Jose Garcia Villa na ang pamagat ay Pakpak:


“Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa, at ako ay lilipad hanggang kay Bathala…”
Sa panahon ngayon, nakakalimutan na ng ating mga diwang lumipad at maghanap ng mga karanasang makakapagpakilala sa ating sarili ng lubusan.


Ang paglalakbay noong Sabado sa mga makasaysayang lugar sa Maynila ay nakakapagpabigla pa rin sa akin bagama’t ilang beses na rin akong nakapunta sa ilan sa mga lugar na iyon, tulad ng Simbahan ng San Agustin at Fort Santiago. Masarap balikan ang nakaraan.

Subalit, marahil ay mas mananamnam natin ito kung noong bata pa lamang ay namulat na tayo na mayroong mga ganitong lugar kung saan madadama mo talaga ang kasaysayan, ang nakaraan, ang iyong pagkatao.
Maaring “sour-graping” ang ginagawa ko. Noong elementarya at hayskul ay wala kaming ibang field trip kundi sa Malabon Zoo o Tagaytay. Siguro, naisip ng mga guro noon na hindi magugustuhan ng mga bata ang makakita ng mga puros larawan o eksibit.

Para sa akin, hindi ba’t mas ma-eenganyo ang mga batang mag-aral ng Kasaysayan, Sibika o Hekasi kung ang mga mismong tinatalakay rito ay nakikita nila sa kanilang harapan?

Kung sa bagay, iba naman ang field trip sa Lakbay-Aral.

Nakakapanghilakbot – ito ang isang katagang makakapaglarawan sa Casa Manila. Nakakatuwang isipin na ang kahoy na sahig na aming tinatapakan ay kinatatayuan noon ng mga taong mahigit sa isandaang taon nang patay. Malaki ang naturang bahay, at naniniwala akong mayroon pang mga parte ang bahay na iyon hindi sakop ng mga bisitang puntahan.

Tulad na lamang sa Simbahan ng San Agustin, kung saan mayroong mga siwang na papunta sa ilang hagdanan na tinapalan ng eksibit o mga malalaking pigura. Ang Simbahan ng San Agustin ay isang manifesto kung gaano kayaman at kalakas ang kapangyarihan ng relihiyon noon. Tulad ng kasaysayan, maraming kuwento ang nais ibahagi ng lugar na ito, sa tabas pa lamang ng damit ng mga prayle, o sa mga ilang santong nakapalibot sa amin. Ngunit mayroon ring ilang aspeto ng kaysaysayan ang hindi nais ilantad sa publiko, tulad na lamang ng mga siwang hinarangan sa San Agustin. At marahil, mananatili silang ganoon.

Naalala kong muli ang Fort Santiago. Kung may isang pagkakahalintulad ang aming mga napuntahan ay napansin kong maraming nais itago ang kasaysayan. Nasa sa atin kung nais natin itong madiskubre o malaman; halintulad sa inaakala naming “hidden tunnel” na aming nakita sa pinakatuktok ng museo. Kasabay ang ilang turistang Hapon ay ninais naming pasukin ang tunnel, subalit kulang na rin sa oras at hindi rin kami handa. Madilim doon, at mahirap harapin ang kasaysayan sa dilim.

Nang dumating kami sa Lights and Sounds at Ayala Museum, naisip kong maaaring bibihira lang ang mga taong nakakapasok sa ganitong lugar at napagmamasdan ang kasaysayan. Maging ang masa ay maaaring hindi pa napagmamasdan ang mga ito. Hindi matigil ang pagkiliti sa aking isip na kailangang magbayad ng P150 o higit pa, upang makita natin ang hiwaga at ganda ng ating kasaysayan na mismong tayo rin naman ang gumawa.

Marahil, kahit ang mga kaapu-apuhan ng mga katipunerong nasa lansangan, o ng mga sundalo sa Death March na kumakayod araw-araw ay hindi pa rin nakakapanood ng mga tulad nito. Hindi nakakapagtakang minsang isagot ng mga taong ina-ambush interview na pambansang ibon natin ang agila (maya dapat, hindi ba?)

Noong elementarya’t hayskul, kapag nababanggit sina Amorsolo at Luna ay maiisip nating kilalang-kilala natin sila. Para anupa’t pinag-aralan natin sila ng ilang taon. Subalit noon, ni isa sa kanilang mga gawa ay hindi ko pa nakikita. Sasabihin natin madalas na “Magaling na painter yang si Amorsolo! Ang galing ng Spolarium ni Juan Luna, diba may kapatid din siyang painter?” Ngunit, aktwal na ba nating nakita ang mga obra maestra nila?

Kolehiyo na noong Lakbay-Aral naming sa History 1 ng aking personal na makita ang Spolarium ni Juan Luna. Napakalaki nito, hindi maiisip na iisang tao lamang ang gumawa. Sa mga panahong iyon, masasabi ko ngang magaling na pintor si Juan Luna. Ngayon naman sa Ayala Museum ay kay Amorsolo.

Nakakalimutan na nga nating paliparin ang ating mga diwa. Sa pagbunsod ng mga internet, o computer games ay nakakalimutan na natin ang halaga ng aktwal na karanasang maaari nating matutunan sa labas ng bahay. Maging ako man ay maituturing na adik sa mga naturang teknolohiya. Nakakalungkot lamang isipin na bihira na iilan lamang ang mga estudyante, o mismong mamamayang Pilipino ang nakakatamasa ng mga ganitong uri ng Lakbay-Aral na hahayaan kang kilalanin at mahalin ang iyong kasaysayan. Kuntento na lamang tayo sa pagkuha ng mga litrato sa internet o mapagmasdan ito sa mga libro, samantalang ang aktwal na kasaysayan ay nasa paligid lamang natin.

Nakakapanghinayang ng minsang sinabi ng guardia sa Casa Manila na noong unang panahon, ang nagsisilbing electric fan ng mga tao sa hapag-kainan ay ang higanteng bintana o ang malaking pamaypay sa ulunan nilang hinihila ng mga serbidora. Ngayon, naka-aircon na tayo palagi. Artipisyal na ang hangin.

Sana ang pag-aaral ay hindi rin maging artipisyal balang araw. Sana’y patuloy pa rin ang paglipad ng ating mga diwa.

1 comments:

Anonymous

astig. nabuhay ng blog. may bagong update! hehe. di ba naka 1 year na din blog mo? bihisan mo na xa ng bago.

hmm.

bout sa post mo, tama ka. nakaalulungkot isipin na ang mga mistulang pampublikong museo g ating nakaraan ay hindi naabot ng publiko. tingin ko, isa sa mga nakaligtaang mahalagang salik ng karamihan sa atin kung bakit tayo ngayon nagakagulo ay ang pagpapahalaga sa ating kasaysayan.
tignan mo yung ibang mga kapitbahay natin sa asya na mauunlad, binigyang halaga nila ang kanilang mga historical sites, at priniserba ang cultural heritage, kaya naman mas dama ng mga tao sa bansa nila ang kanilang nasyonalidad.

Post a Comment