Monday, January 16, 2006

kay marlon, sa kanya na di ko nakilala

Monday, January 16, 2006
Isa na namang buhay ang ibinuwis ng salitang "kapatiran."

Hindi ko naman siya gaanong kilala. Marahil ay isa siya sa libong estudyanteng nakakasalubong ko sa daan, tuwing dumadaan ako sa CEM, o di kaya'y paminsan-minsang nakikitang nakatambay sa ilalim ng puno kasama ang kanyang mga orgmates.

Hindi ko na matatandaan pa ang kanyang mukha. Dahil ang mukha ng tao ay lumilipas lamang sa ating paningin na parang aninong walang pagkakakilanlan. Ang mukha nila'y tatatak lamang sa ating isip kapag nagsilbing tulay ang salitang "Kamusta?," "Hello!" o di kaya'y "San ka?" Sa mga katagang iyon saka sila nagiging parte ng pang-araw-araw nating kinagisnang gawin: ang mabuhay.

Ngunit tulad ng mukhang lumilipas lamang sa ating paningin, ganoon din ang buhay.

Hindi ko kilala si Marlon Villanueva. Maliban na lamang sa isang text na nabasa ko nang nasilaw ang aking mga mata sa sinag-araw ng Arizona. Alas-siyete o alas-otso ng Linggo ng umaga. Panibagong araw na naman sa bagong bansa. Ngunit ang balitang natanggap sa cellphone ay tila inihatid ng mamang nagtitinda ng pandesal sa umaga (with the matching potpot and all).

Brrrrttt....Brrrrttt... (hindi *tootoot* *tootoot*, dahil naka-Silent ang phone ko)

"Marlon Villanueva, 04,AgEcon, a member of the UPJES,
died in the APO initiation last nyt. Let us pray for the repose
of his soul. CEM students will be wearing white on Monday. Let us
join them by wearing white in this time of grief."
(hindi eksaktong message, dahil nabura ko na pala sa inbox ang text. Ito lamang ang pagkakatanda ko sa kanya)

Naaasar ako sa sarili ko dahil bumalik ako sa pagtulog ng umagang iyon. Tinakluban ko ang aking ulo ng unan. Nag-isip-isip. Maya-maya'y bumangon uli ako upang basahin ang mensahe. Mas nakakaasar pa, ang tanging naging reaksyon ko, "Hay naku *buntong hininga* Patay nito ang APO."

Lumabas ako ng kwarto upang maghilamos. Sinabi ko sa aking mga magulang ang balitang tila matigas na pandesal na ipinukol sa aking ulo ng mamang potpot. Wala naman akong ibang mababahaginan ng balita. Wala rin silang reaksyon. Sinabi ko na lang, "Kawawa naman ang bata pa, 04 lang..."

Sumagi sa isip ko ang dorm mate kong si Khaye. UPJES member siya. Baka kilala niya si Marlon.

Maya-maya, ka-text ko ang sis kong si Alex. Nabanggit ko rin sa kanya na may nagpadala sa akin ng text tungkol sa nangyari. Sandali lamang namalagi sa aming usapan ang tungkol sa nangyari, dahil parehas din naming hindi kilala si Marlon. Wala rin kaming balita kung ano ang totoong nangyari. Dumaloy ang aming usapan sa text (tulad ng mga kinagisnan sa nakaraan, bukod sa mga quotes ng mga kaibigang unlimited, si Alex ang matiyagang nagte-text sa akin dito. Salamat kaibigan.) hanggang sa nakatulog na siya at hindi na rin ako nakapagreply. Noong araw na iyon, nakalimutan ko ang tungkol kay Marlon.

Maliligo ako. Magbibihis, at hahanapin ang aking puting damit upang suotin ito. Na kahit sa maliit na hakbang, sa pagsusuot ng puting damit, matigil na ang pagbubuwis ng buhay dahil sa distortion ng salitang "kapatiran." Baka sa tagal ng panahong nangyayari ito, damit lang pala ang solusyon.

Sana nga.

Paalam sa taong hindi ko nakilala, o marahil nakasalubong ko na sa daan ngunit hindi nagkakilanlan. Paalam sa kanya na nagngangalang Marlon Villanueva, isang estudyante ng UP Los Banos.

2 comments:

jay-p

Malaking isyu a inyo nagyon ata iyan.

Minsan may mga tao na kakilala lamang natin sa mukha pero sa maliit na paraan naging bahagi ng buhay natin katulad ng mga tao na araw-araw natin nakakasalubong, yung naglilinis ng bangketa sa harap bahay. Siguro dapat paminsan-minsan bigyan natin ng panahon na sila ay kilalanin.

Nakakapanghinayang isipin na maaga syang namatay.

Para sa akin may ibang paraan para sukatin ang "kapatiran".

Anonymous

jeeper = sana nga ay nagiging malaking isyu siya, at hindi magmistulang isang pangyayari na kakalimutan na paglipas ang panahon hanggang sa maalala muli kapag may estudyanteng namatay na naman sa initiation.

bigay-pugay sa iyong komento ukol sa mga taong naglilinis sa bangketa. :] good u pointed that out

hay.

Post a Comment