Sunday, August 13, 2006

hugging slip

Sunday, August 13, 2006
Magpaalam ka muna bago mo ako yakapin.
Nais kong bilangin ang bawat segundo
Na lilipas sa pag-ugpong ng ating mga braso.
Gawing segundo ang minuto,
Ang minuto, oras
Upang linlangin ang sarili na matagal kitang kayakap.

Magpaalam ka muna bago mo ako yakapin.
Nais kong damhin ang init na sumisingaw sa iyong likod.
Isaulo ang bawat butong sa balat ay umuusli't kumakayod,
Bawat peklat, bawat pantal, maging ang iyong gulugod.
Upang sa susunod na magtagpong muli ang mga braso
Batid kong ikaw ang aking kayakap.

Magpaalam ka muna bago mo ako yakapin.
Hayaan munang magpahinga ang ating mga baba
Sa balikat ng isa't-isa.
Matagal din natin itong hindi nagagawa.
At nais ko pang alalahanin ang matamis na halimuyak
Ng buhok mong tila hinabi sa pulot-pukyutan.

Magpaalam ka muna bago mo ako yakapin.
Bigyan ng oras na maglapat ang ating mga anino,
Baka sakaling sa kanilang pagtatagpo
Hindi na naisin pang humiwalay at magkalayo.
Nais ko munang sanayin ang sarili na pagmasdan
Ang dalawang aninong pinag-isa sa pader.

Magpaalam ka muna bago mo ako yakapin.
Dahil nais kong ituring ang bawat pagkakataon
Bilang huli sa mga nauna.
Sa susunod, baka maglaho na ang salubong mong akap.
Ibang braso na ang sumasalo sa iyo,
At ibang balikat na rin ang inaasam ng iyong baba.

1 comments:

jay-p

Based on experience ba yan?

Maganda,maganda talaga, dapat ingat ka sa plagiarism...

Post a Comment