Kailan ba ako huling nagsulat? Antagal na. Hindi ko na maalala. Wala na ang mga tulang gumigising sa akin sa gitna ng gabi. Wala na ang mga karakter na gustong mabuhay sa papel. Wala na ang kamay na nais humawak ng lapis. Wala na ang damdaming nanaig tuwing nagsusulat - ang pagiging "ibang tao."
Nais kong makadama ulit. Kailan nga ba ako huling nagsulat? Kailan ang huling pagkakataon na inismidan ko ang tawag ng pumupungay na mga mata sa antok, o ang pagbatok ng kalamnan? Hindi ko na maalala. Nakakatakot. Madalas, kapag hindi mo na naaalala ang isang bagay, nawawalan na ito ng halaga para sa iyo.
Nais kong hindi makalimot. Dahil walang kinabukasan ang mga taong nakakaligta. Ayokong mawalan ng kinabukasan.
Kailan nga ba ako huling nagsulat? Nais kong uminog muli ang mundo ko sa pagsulat. Tulad ng pagmamahal, mahirap itong pakawalan. Tulad ng buhay, wala ako kung wala nito.
Sana'y kaya ko pang hilahin ang kamay kong nabaon sa hukay ng realidad. Na walang patutunguhan ang pagsusulat. Na ang lapis na nais kong mahawakan muli ay siya rin mismong kalis na uukab sa mga bagay na pinaniniwalaan ko sa sarili ko. Yun ang realidad.
Pero hindi yun ang realidad ko. Hindi yun ang kinabukasan ko.
Sana hindi ito ang huling pagkakataon. Sana sapat ang pagmamahal sa sining. Kahit na hindi.
1 comments:
Sige, sulat ka ulit kahit dito lamang.
Dapat mo siguro gawin kung ano ang nagpapasaya sa iyo, kahit minsan medyo mahirap nga yata talagang gawin sa mundong ito.
Post a Comment